Industries News.Net

Mga Calambeao, walang dapat ikatakot sa bakuna ' Mayor Chipeco


Philippine Information Agency
9 Mar 2021

HUWAG MATAKOT SA BAKUNA. Sa panayam ng UNTV News kay Calamba City Mayor Justin Chipeco, pinaalalahanan nito ang publiko na huwag mangamba sa bakunang gawa ng Chinese biopharmaceutical company na Sinovac at huwag maniwala sa mga maling impormasyon na kumakalat tungkol sa bakuna. (Screenshot from Hataw Balita Pilipinas Report/UNTV)

CALAMBA CITY, Laguna, Mar 9 (PIA) - Walang dapat ikatakot ang mga residente ng Calamba City, Laguna sa bakunang gawa ng Chinese biopharmaceutical company na Sinovac, ayon kay Mayor Justin Marc 'Timmy' Chipeco.

Paalala ng punong lungsod sa publiko na huwag maniwala sa mga sinasabi ng iba tungkol sa bakuna gayong wala namang malinaw na ebidensiya ang mga ito.

"Huwag ho tayong madaan agad sa takot, sa bagay na hindi natin alam. Ang maganda po alamin natin, pag-aralan natin ng mabuti," pahayag ng alkalde sa panayam sa kanya ng UNTV News.

"Karapatan ng bawat isa kung anong gusto niyang gawin sa katawan niya at naiintindihan namin 'yon bilang opisyales. Pero, tinuturan din namin kayo na pag aralan kung anong makakabuti sa inyo at huwag lang madadaan kung ano ang takot na idinudulot ng ibang tao na wala namang dahilan," dagdag nito.

Ito ay kasunod ng mga kumakalat na impormasyon na hindi epektibo ang Sinovac vaccine na nagdudulot ng agam-agam sa publiko.

Ayon pa sa alkalde na epektibo ang Sinovac vaccine dahil ginawa ito sa tradisyunal na paraan.

"Ang Sinovac, bagaman gawa sa China, they use the traditional method of manufacturing the vaccines, which is killing the virus itself at ini-introduce sa katawan natin so that our immune system can identify it," pahayag ni Chipeco.

"Ang personal na opinyon ko, na wala namang masamang epekto yon kasi yung ginagawang sistema at proseso ay ginawa na rin sa proseso na matagal na panahon na nating ginagawa,"

Kung papayagan umano ng national government ay mauunang magpapabakuna si Mayor Chipeco upang maalis ang agam-agam ng mga nasasakupan nito sa Sinovac vaccine.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng pamahalaang lungsod ng Calamba ang pagdating ng bakuna upang masimulan na ang vaccination rollout sa lungsod.

Una nang naglaan noong Enero ng inisyal na P200-milyon ang pamahalaang lungsod para sa Covid-19 vaccination program nito na gagamitin sa pagbili ng bakuna, pagsasaayos ng storage facilities, transportasyon ng mga bakuna at iba pang kakailanganin sa paglulunsad ng malawakang pagbabakuna. (FSC/UNTV)

Copyright ©1998-2021 Industries News.Net | Mainstream Media Limited - All rights reserved